Nasawi ang isang binatilyo habang mahigit 10 iba pa ang nasugatan matapos sumabog ang isang unexploded ordnance sa gitna ng school trip malapit sa hangganan ng Israel at Lebanon.
Ayon sa Israel Defense Forces (IDF), batay sa paunang pagsusuri ng mga sundalo sa lugar, posibleng isang hindi sumabog na kagamitang pandigma ng Hezbollah ang pinagmulan ng pagsabog. Hindi pa malinaw kung kailan pinaputok ang naturang bala.
Iniulat ng emergency response service na United Hatzalah na tatlo sa mga nasugatan ang nasa malubhang kalagayan, habang hindi bababa sa 10 iba pa ang nagtamo ng bahagya hanggang katamtamang pinsala. Agad silang isinugod sa tatlong ospital sa lugar.
Saklaw ng taunang educational trip ng isang paaralan sa Ma’alot-Tarshiha, hilagang Israel, ang mga estudyante at kawani nang mangyari ang insidente nitong Lunes.
Samantala, binisita ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at ng education minister ang mga nasugatan at kanilang pamilya sa Rambam Hospital sa Haifa. Inatasan din ni Netanyahu ang IDF na higpitan ang pagpapatupad ng pagbabawal sa paghawak sa mga hindi pa sumasabog na bala.











