--Ads--

Timbog ang dalawang indibidwal na kinilalang Street-Level Individuals o SLIs sa isinagawang operasyon sa Purok 7B, Barangay District 1, Cauayan City, Isabela bandang alas-3:20 ng hapon nitong Setyembre 16.

Kapwa lalaki, 46 anyos at walang asawa ang mga suspek. Ang isa ay tricycle driver habang ang isa naman ay helper at kapwa residente ng nasabing lugar. Samantala, isang kasama nilang lalaki na pansamantalang kinilala bilang alyas “Juan” ang nakatakas at kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act.

Batay sa ulat, nakatanggap ang Cauayan City Police Station ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y nagaganap na drug session na kinasasangkutan ng tatlong lalaki sa loob ng isang bunkhouse na sinasabing inuukupa ng isa sa mga suspek.

--Ads--

Agad na nag-dispatch ng mga tauhan ang Duty Tactical Operations Center o TOC ng Cauayan CPS upang beripikahin ang impormasyon. Sa pagdating sa lugar, sa tulong ng impormanteng humiling na manatiling kumpidensiyal ang pagkakakilanlan, nagtungo ang mga operatiba sa nasabing bunkhouse.

Sa pamamagitan ng bahagyang nakabukas na bintana, namataan umano ng mga pulis ang tatlong lalaki na tila nagsasagawa ng drug session. Agad namang nagpakilala bilang mga pulis ang mga operatiba at isinagawa ang pag-aresto.

Gayunman, nakatakas ang isa sa mga lalaki at tumakbo palayo sa lugar, habang matagumpay namang naaresto sina alyas “Toto” at “Nardo.”

Sa kasagsagan ng operasyon, napansin din ng isang responding personnel ang isang Caliber .38 revolver na nakalagay sa isang divider at nasa agarang abot ng mga suspek. Nang beripikahin, wala itong laman na bala at wala ring serial number.

Kabilang sa mga nakumpiska ang isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, isang walang lamang sachet na may residue, tatlong rolled aluminum foil, pitong folded aluminum foil, isang unused aluminum foil, dalawang lighter, stainless tweezers, isang City ID, isang Realme cellular phone at ang Caliber .38 revolver.

Patuloy naman ang imbentaryo at kaukulang dokumentasyon sa mga nakumpiskang ebidensya.

Alinsunod sa itinakdang proseso, minarkahan, inimbentaryo at kinuhanan ng larawan ang mga ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga naarestong suspek at mga insulating witness, kabilang ang kinatawan ng DOJ at isang barangay councilor ng Barangay District 1.

Dinala naman sa Cauayan CPS ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon at disposisyon.