--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay habang isa ang nasugatan sa banggaan ng tricycle at truck kaninang 1:20 ng madaling araw sa national highway sa Malalam, City of Ilagan, Isabela.

Ang mga namatay ay sina Renelito Tacac, 34 anyos, magsasaka, tsuper ng tricycle at si Celso Ferrer, binata, magsasaka habang nasugatan si Larry Limon, 25 anyos, pawang residente ng Cabisera 6-24, San Antonio, City of Ilagan.

Hindi nasugatan ang driver ng truck na si Jaybee Boy Gambol, 25 anyos, may-asawa at residente ng Labinab, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabagtas tricycle at truck ang magkasalungat na direksyon nang umagaw umano ng linya ang tricycle na minamaneho ni Tacac sa pakurbang bahagi ng daan na naging sanhi ng banggaan ng dalawang sasakyan.

--Ads--

Nagtamo ng mga malalang sugat sa katawan sina Tacac at Ferer na dinala sa isang pribadong ospital subalit idineklarang dead on arrival ang dalawa.

Patuloy na ginagamot sa ospital ang nasugatan na si Larry Limon.