Inaresto ang dalawang senior citizen na magsasaka matapos mahulihan ng 19 na piraso ng sawn lumber na walang kaukulang dokumento at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱25,000 sa isang anti-illegal logging operation sa Sitio Dinuman, Barangay Libertad, San Mariano, Isabela.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng San Mariano Police Station, katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO, bandang alas-11:05 ng umaga nitong Setyembre 22, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Julius Telan, hepe ng San Mariano Police Station, sinabi niyang naabutan umano ang dalawang suspek na aktuwal na nangongolekta at nagtitipon ng mga sawn lumber.
Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Pablo”, 60 taong gulang, may asawa at magsasaka, at alyas “Felipe”, 61 taong gulang, may asawa at magsasaka. Kapwa residente ng San Mariano.
Ayon kay PMaj. Telan, nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang 19 na piraso ng common hardwood o dos lapad, kabilang ang white lauan, na may iba’t ibang sukat at tinatayang kabuuang volume na 500 board feet .
Nang hingan umano ng mga awtoridad ng kaukulang dokumento na magpapatunay sa legalidad ng kanilang pagmamay-ari at pagkakaroon ng mga produktong gubat, nabigo ang mga suspek na makapagpakita ng kinakailangang papeles.
Dahil dito, dinala ang dalawang suspek sa San Mariano Community Hospital para sa medical examination bago isinailalim sa kustodiya ng San Mariano Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon.
Samantala, minarkahan at isinailalim sa imbentaryo ang mga nakumpiskang sawn lumber sa lugar ng pagkakaaresto sa presensya ng barangay chairperson bilang saksi.
Matapos nito, sinabi ni PMaj. Telan na dinala ang mga nakumpiskang produktong gubat sa San Mariano Police Station.
Sa ngayon nasa pangangalaga na ng CENRO Naguilian ang mga kahoy para sa opisyal na imbentaryo, pagsusuri at kaukulang disposisyon.











