Dalawang indibidwal na kabilang sa kategoryang Street-Level Individuals (SLIs) ang matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Cauayan City Police Station sa isinagawang operasyon laban sa ilegal na droga dakong alas-10:29 ng umaga nitong Setyembre 24, 2026, sa Dacanay St., Brgy. San Fermin, Lungsod ng Cauayan, Isabela.
Kinilala ang mga naarestong suspek bilang si “Nelson,” 31 taong gulang, binata at si “Marlon,” 28 taong gulang, binata, parehong helper at mga residente ng nasabing syudad.
Batay sa ulat, nakatanggap ang Cauayan City Police Station ng impormasyon mula sa isang hindi nagpakilalang tumawag hinggil sa diumano’y nagaganap na drug session sa isang bahay sa nasabing lugar. Agad na nag-dispatch ng mga tauhan ang Duty Tactical Operations Center upang beripikahin ang impormasyon.
Sa pagresponde ng mga operatiba, nakumpirma ang iniulat na aktibidad at matagumpay na naaresto ang dalawang suspek matapos silang makitang aktuwal na sumisinghot ng hinihinalang shabu sa loob ng isang silid ng nasabing residente.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang bukas na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may kabuuang tinatayang gross weight na 1.71 gramo, na may tinatayang halaga na ₱11,628.00. Bukod pa rito, nasamsam din ang iba’t ibang drug paraphernalia at iba pang item na may kaugnayan sa operasyon.
Kabilang sa mga nakumpiska ang tatlong piraso ng rolled aluminum foil, isang piraso ng ginamit at nakatiklop na aluminum foil, tatlong lighter, isang blue drawing brush, dalawang cellular phone, at isang National ID na nakarehistro sa ibang pangalan.
Ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay maayos na minarkahan, inimbentaryo, at kinunan ng larawan sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga naarestong suspek, mula sa Kinatawan ng Department of Justice (DOJ), Barangay official ng Brgy. San Fermin, at Kinatawan ng Media.
Matapos ang operasyon, dinala ang mga naarestong suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











