Tinatayang nasa 20 pampublikong paaralan sa bayan ng Cabatuan, Isabela, ang nakibahagi sa Simultaneous School Safety Drill sa pangunguna ng DepEd bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng banta sa seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Oniel Jay Dumayas, Chief of Police ng PNP Cabatuan, matagumpay na naisagawa ang drill na nilahukan ng mga elementary at high school sa bayan.
Ipinaliwanag ni Dumayas na hindi isinailalim sa realistic simulation o aktuwal na pagpapakita ng banta ang mga estudyante, alinsunod sa direktiba ng Department of Education o DepEd.
Sa halip, gumamit lamang ang PNP ng isang taong nakasuot ng reflectorized vest bilang hudyat na may banta o intruder sa paaralan.
Kapag nakita ang signal, agad na isinagawa ang lockdown procedure kung saan isinara at ni-lock ang lahat ng gate at pansamantalang pinigilan ang pagpasok at paglabas ng mga tao sa paaralan.
Sa ikalawang phase ng drill, itinuro ang mga dapat gawin sakaling makapasok umano ang banta sa loob ng school premises.
Ang mga nasa direktang lugar kung nasaan ang banta ay kailangang manatili sa loob ng kanilang classroom, i-lock ang mga pintuan, isara ang mga bintana, patayin ang ilaw, i-silent ang mga cellphone at manatiling tahimik upang hindi matukoy ng intruder ang kanilang kinaroroonan.
Samantala, ang mga nasa malayo sa lugar ng banta ay maaaring lumikas patungo sa ligtas na lugar o designated off-site reunification point.
Kasunod nito, kailangang makipag-ugnayan sa emergency hotline ng PNP o tumawag sa 911 upang maipabatid ang insidente at makahingi ng agarang responde.
Kapag na-neutralize na ang banta, saka ilalabas ang mga estudyanteng nagtatago sa kanilang classrooms at i-e-escort patungo sa designated reunification point.
Doon naman sila susunduin ng kanilang mga magulang o guardians, na sasailalim din sa verification upang matiyak na awtorisado silang kumuha sa mga estudyante.
Ayon kay Dumayas, naging bahagi rin ng kanilang papel ang pag-assess sa kahandaan ng bawat paaralan at kung nasusunod ng mga guro at estudyante ang itinakdang safety protocols.
Sinabi ng police official na mahalaga ang ganitong mga pagsasanay upang maging handa ang mga paaralan sa anumang insidenteng maaaring mangyari, lalo na’t may mga naiuulat na kahalintulad na banta sa ibang lugar.
Binigyang-diin ng police official na bagama’t mahalagang maging handa ang mga paaralan, umaasa siyang hindi kailanman kakailanganing gamitin sa aktuwal na insidente ang mga protocol na kanilang pinag-aralan at isinagawa sa drill.











