WARNING: SENSITIVE CONTENT
Wala nang buhay nang matagpuan ang isang 23-anyos na lalaki sa isang bakanteng lote sa Purok 1, Barangay Labinab, Cauayan City, matapos umano itong magbigti.
Kinilala ang biktima na si alyas “Jay,” 23-anyos at residente rin ng naturang barangay.
Batay sa salaysay ng kanyang pinsan na si Dante Alipio sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nadiskubre ang biktima bandang alas-dos ng madaling araw ng May 17 nang mapansin nito ang tila nakatayong tao sa likurang bahagi ng kanilang bahay.
Napagtanto niya na iyon ang kaniyang pinsan nang mapansin ang suot nitong shorts kaya naman tinawag niya ito subalit dahil sa hindi ito tumatalima sa kaniyang tawag ay agad siyang kumuha ng cellphone at ginamit ang flashlight upang alamin ang sitwasyon.
Pagtapat ng ilaw sa biktima ay doon niya nakita ang kanyang pinsan na nakabitin gamit ang lubid ng duyan na nakapulupot sa leeg. Sinubukan umano niyang ibaba ang biktima, ngunit dahil sa bigat ay pareho silang bumagsak.
Batay sa paunang imbestigasyon, bago ang insidente ay nakipag-inuman pa ang biktima kasama ang kanyang pinsan at ilang kaibigan mula alas-7 hanggang alas-8 ng gabi nitong ika-16 ng Mayo.
Nagbahagi rin umano ng biktima ang kanyang pinagdaraanan kaugnay ng umano’y kamakailang hiwalayan nila ng kanyang kasintahan, na ikinabahala ng kanyang mga kasama.
Napag-alaman din na bago ang insidente, nag-post umano ang biktima sa social media ng mga pahiwatig tungkol sa kanyang pinagdaraanan at nakapagpadala pa ng mensahe sa kanyang pinsan bandang alas-10 ng gabi.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari sa insidente.











