Arestado ang isang 24-anyos na laborer matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Cauayan City Police Station (CCPS) kaugnay ng ilegal na baril.
Ang suspek ay residente ng Barangay Puroc, Luna, Isabela.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-7:00 ng gabi sa Purok 6, Barangay Cabaruan, kung saan nagpanggap na buyer ang isa sa mga operatiba.
Matapos makumpirma ang transaksyon, agad na inaresto ang suspek.
Narekober mula sa kaniya ang isang improvised pistol, isang cellphone at ang ginamit na buy-bust money.
Gayunman, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek, itinanggi niya na pag-aari niya ang nakumpiskang baril.
Ayon sa suspek, nakipagkita umano siya sa isang babae na kinilalang alyas “Isabel” sa isang hotel bandang alas-2:00 ng hapon.
Pauwi na umano siya sa San Mariano upang bumalik sa kaniyang trabaho bilang laborer nang harangin at dakpin ng mga hindi niya nakilalang indibidwal.
Aniya, bandang alas-4:00 ng hapon nang siya ay harangin, takpan ang mga mata at isakay sa isang sasakyan. Makalipas umano ang ilang oras, dinala siya sa Wayawaya Street.
Iginiit din ng suspek na ang babaeng kaniyang nakasama sa hotel ang umano’y nagtanim ng baril sa kaniya.
Sa kabila ng kaniyang mga pahayag, nananatili sa kustodiya ng Cauayan CCPS si alyas “Aljon” habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kaniya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.











