Tumulong na ang National Guard sa Texas nitong Biyernes matapos maranasan ang matinding pagbaha sa Guadalupe River na ikinasawi ng hindi bababa sa 25 katao at tumangay sa maraming iba pang kabataan sa isang Christian summer camp.
Ayon sa mga opisyal, dahil sa malalakas na pag-ulan kahapon ng umaga ang naging sanhi ng biglaang pagtaas ng tubig sa nasabing ilog kung saan umabot pa ito ng halos 30 feet ang taas sa loob lamang ng 45 minuto.
Kinumpirma ng mga state officials na kabilang sa mga nasawi ay mga matatanda at mga bata.
Sa 25 na naiulat na nasawi, 24 ay mula sa Kerr County habang isa ay mula naman sa Kendall County.
Sa Camp Mystic – isang all-girls Christian camp na nasa kahabaan ng Guadalupe River, nasa 23 hanggang 25 katao ang hindi parin natatagpuan.
Ayong kay Major General Thomas Suelzer nasa 237 katao na ang kanilang nailikas, 167 sa mga ito ang nailigtas gamit ang helicopter.
Sa isang press conference sinabi ni Texas Governor Greg Abbott na dahil sa pagtutulungan ng mga local at state officials araw man o gabi ay naihahatid ang agarang tulong sa mga apektado.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na sa kanya sina Homeland Security Secretary Kristi Noem at Interior Secretary Doug Burgum upang mag-alok ng federal assistance at mga kinakailangang resources.
Samantala, naglabas ng disaster declaration si Kerrville Mayor Joe Herring Jr. dahil sa patuloy na emergency evacuations.
Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi rin ni Texas Governor Abbott na iniutos na nito ang paggamit ng lahat ng available resources ng estado para sa pagtugon sa nararanasang krisis kabilang ang water rescue teams, evacuation centers, National Guard, at Texas Department of Public Safety kung saan ang prayoridad ay ang pagsagip ng buhay.