Higit P35,000 halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nakumpiska ng Isabela Police Provincial Office sa magkakahiwalay na operasyon sa buong lalawigan noong Setyembre.
Batay sa accomplishment report ng IPPO, umabot sa P 29,224.36 ang tinatayang halaga ng 4.2977 gramo ng hinihinalang shabu, habang nasa P6,694.08 naman ang 55.784 gramo ng hinihinalang marijuana, batay sa Standard Drug Price o SDP.
Kabuuang 20 operasyon kontra ilegal na droga ang isinagawa ng mga police unit sa iba’t ibang bahagi ng Isabela na nagresulta sa pagkakaaresto sa 26 na indibidwal.
Kabilang sa mga nagsagawa ng operasyon ang Aurora, Cabagan, Cauayan City, Ilagan City, San Isidro at Tumauini Police Stations, gayundin ang Angadanan at San Mateo Police Stations sa pamamagitan ng service of warrant of arrest na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Pinakamarami ang naitalang operasyon ng Cauayan City Police Station na nagsagawa ng walong operasyon at nakapag-aresto ng 14 na indibidwal.
Hinikayat naman ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng agarang pagsusumbong sa mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga.











