Patay ang isang 27-anyos na laborer matapos pagtatagain umano sa kasagsagan ng madaling araw sa isang sitio sa Barangay Santo Domingo, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Mervin Delos Santos, Chief of Police ng Jones Police Station, sinabi niyang naganap ang insidente noong Agosto 18, matapos ang isang inuman ng magkakatropa sa bahay ng isa sa mga ito noong gabi ng Agosto 17.
Ayon kay PMaj. Delos Santos, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at suspek habang nag-iinuman, bago sila naghiwa-hiwalay bandang alas-6 ng gabi.
Pumunta umano ang biktima sa isang kalapit na bahay upang magpahinga, habang nakita naman ng isang testigo ang suspek na may dalang patalim na nakasukbit sa baywang.
Bandang madaling araw, nagising umano ang isang kapitbahay dahil sa ingay at tahol ng aso at nang lumabas ay nakita ang biktima na duguan, habang may isang lalaking tumatakbo palayo sa lugar.
Samantala, narekober umano ng pulisya ang damit at short pants na sinasabing pag-aari ng suspek at may bahid ng dugo. Isinailalim na ang mga ito sa forensic examination para sa DNA testing.
Sinabi pa ng Hepe na posibleng murder ang ikaso laban sa suspek, depende sa magiging resulta ng medico-legal examination at iba pang ebidensyang makakalap.
Pansamantalang dinala sa himpilan ang suspek para sa imbestigasyon ngunit kalaunan ay pinakawalan dahil hindi pa sapat ang ebidensiya para maisampa ang kaso.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at pangangalap ng karagdagang ebidensiya, kabilang ang resulta ng DNA test, upang matukoy ang pananagutan ng suspek.











