Nasawi ang hindi bababa sa 27 katao habang mahigit 80 iba pa ang nasugatan matapos sumiklab ang isang malakas na sunog sa isang kilalang pub sa Bangkok, Thailand bago maghatinggabi ng Linggo.
Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang sunog dakong alas-11:57 ng gabi sa Rong Beer Na Lat Phrao pub sa Chatuchak district at mabilis na kumalat sa loob ng establisimyento.
Sinabi ni Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul na 27 bangkay ang narekober sa lugar habang patuloy na dinadala sa mga ospital ang mga sugatan.
Batay sa mga salaysay ng mga nakaligtas, mabilis na napuno ng makapal na usok ang pub dahilan upang magtangkang tumakas ang mga tao patungo sa likurang bahagi ng gusali malapit sa mga palikuran.
Ayon naman sa Bangkok Metropolitan Administration, umabot sa 63 katao ang isinugod sa mga ospital habang 22 sa mga ito ang nasa kritikal na kondisyon.
Sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa bahagi ng entablado ng pub bago tuluyang lamunin ng apoy ang malaking bahagi ng gusali.
Bagama’t may mga permit at fire exits umano ang establisimyento, sinabi ng mga opisyal na napakabilis ng pagkalat ng apoy at usok na posibleng naging dahilan upang mahirapang makalabas ang mga kostumer.
Sa kuha ng body camera ng mga rescue worker, makikitang naghahanap pa ng mga posibleng nakaligtas ang mga bumbero sa loob ng madilim at nasunog na gusali habang ilang biktima ang natagpuang nakahandusay malapit sa mga palikuran.
Isang miyembro ng banda na tumutugtog sa pub nang mangyari ang insidente ang nagsabing biglang napuno ng usok ang lugar matapos pansamantalang mawalan ng ilaw, bago narinig ang isang malakas na pagsabog na sinundan ng sunog.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente, na itinuturing na isa sa pinakamalalang sunog sa isang entertainment venue sa Thailand sa mga nakalipas na taon.











