--Ads--

Tatlong indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng Cordon Police Station (Cordon PS) dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines matapos maaktuhang nagbiyahe ng mga troso na walang kaukulang dokumento at permit kahapon Agosto 15, 2026, sa Purok 4, Brgy. Anonang, Cordon, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Peter, 37, driver at residente ng Brgy. Anonang, Cordon; alyas Ric, 20, miner at residente ng Brgy. San Dionisio II, Nagtipunan, Quirino; at alyas Berto, 22, miner at residente rin ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, namataan ng mga intelligence operative ng Cordon PS ang isang pulang Isuzu Elf truck, na kargado ng mga round logs ng Gmelina. Nang pahintuin at siyasatin, hindi nakapagpakita ang mga suspek ng kaukulang permit at dokumento para sa transportasyon ng mga forest products.

Dahil dito, agad silang inaresto, at kinumpiska mula sa mga suspek ang 32 piraso ng round logs ng Gmelina, na may kabuuang dami na 250 board feet at tinatayang halaga na ₱21,000, gayundin ang nasabing Isuzu Elf truck.

--Ads--