Inihayag ng grupo ng transportasyon na naging matagumpay ang isinagawang tatlong araw na nationwide transport strike ng kanilang hanay upang kalampagin ang pamahalaan sa mabagal nitong aksyon hinggil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mar Valbuena, Presidente ng Manibela, sinabi nito na sa libu-libong nakiisa na mga tsuper at operator sa naturang tigil-pasada ay nagtagumpay ang kanilang hanay na paralisahin ang transport sektor sa bansa.
Dahil dito ay nape-pressure umano ang pamahalaan na bilisan ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Valbuena, kung walang transport strike ay inuutay-utay ng pamahalaan ang pagbaba ng presyo na aniya ay tila pagprotekta sa mga kumpanya ng langis.
Nitong Biyernes ay bumaba na sa $83 ang kada bariles ng langis dahil sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz na nangangahulugan lamang ng pagbaba ng presyo sa world market.
Samanatala, patuloy pa ring ipinapanawagan ng grupong Manibela ang pagsuspinde sa excise tax ng langis dahil hindi rin naman aniya napapakinabangan ng taumbayan ang buwis na nalilikom mula rito.
Bagama’t magkakaroon ng panibagong oil price rollback sa April 21, inihayag ni Valbuena na magkakasa pa rin sila ng pagkilos hanggang sa tuluyang dinggin ng pamahalaan ang hinaing ng mga transport groups.







