--Ads--

Sinimulan ngayong Lunes ng transport group na Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon o Manibela ang tatlong araw na transport strike bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at panawagan para sa mas mataas na pasahe.

Nagtipon ang mga miyembro ng grupo, kasama ang ilang TNVS at UV Express drivers, motorcycle taxi riders at truckers, sa University Avenue sa Quezon City kaninang umaga.

Mula sa nabanggit na lugar, nagsagawa sila ng caravan patungong Philcoa kung saan isinagawa ang programa upang ilahad ang kanilang mga hinaing at panawagan.

Kabilang sa hinihingi ng grupo ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, dagdag-pasahe at pagtanggal ng excise tax at value-added tax o VAT sa mga produktong petrolyo.

--Ads--

Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, tinatayang nasa 20,000 hanggang 25,000 jeepney drivers mula sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila ang inaasahang lalahok sa strike.

May ilang motorcycle taxi at TNVS drivers din na nagpasyang hindi bumiyahe ngayong araw bilang pakikiisa sa protesta.

Samantala, kasabay ng transport strike ay ipinatupad na rin ngayong Lunes ang inaprubahang dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Para sa traditional jeepney, magiging P14 na ang minimum fare sa unang apat na kilometro, mula sa dating P13, habang magiging P2 na ang dagdag sa bawat susunod na kilometro mula sa dating P1.80.

Para naman sa modern jeepney, magiging P17 ang minimum fare sa unang apat na kilometro mula sa dating P15, habang P2.40 na ang dagdag sa bawat susunod na kilometro.

May dagdag-pasahe rin sa city at provincial buses, UV Express, taxi, TNVS at point-to-point buses.

Mananatili naman ang mandatory fare discounts para sa mga estudyante, senior citizen at persons with disabilities.

Orihinal na nakatakda noong Marso ang fare hike ngunit ipinagpaliban ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa tensyon sa Middle East at pangamba sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis.