Nakatakdang magsagawa ng dalawang araw na transport strike ang grupong Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) sa Nobyembre 23 hanggang 24 dahil sa mga ulat hinggil sa posibleng pagpapalit ng pinuno ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay MANIBELA National President Mar Valbuena, mas makabubuting manatili sa puwesto si LTO Chief Markus Lacanilao upang maipagpatuloy ang mga nasimulan nitong pagbabago sa ahensya.
Bagama’t wala pang kumpirmasyon hinggil sa posibleng pagpapalit ng liderato, kinukuwestiyon ni Valbuena kung sino ang nagrekomenda sa posibleng kapalit ni Lacanilao at kung saan nagmula ang naturang hakbang.
Aniya, marami pang kailangang ayusin sa LTO kaya nais nilang malaman kung bakit kinakailangan pang palitan ang kasalukuyang pinuno.
Nakatakdang simulan ng MANIBELA ang kanilang kilos-protesta alas-7 ng umaga sa Lunes, Nobyembre 23, mula sa Agham Road corner East Avenue patungo sa LTO Central Office.
Samantala, hindi naman makikilahok sa naturang transport strike ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP).
Ayon kay ALTODAP National President Boy Vargas, hindi makatuwiran ang pagsasagawa ng tigil-pasada dahil mga komyuter ang higit na maaapektuhan nito.
Iginiit niyang mas mainam na idaan sa maayos na pakikipagdayalogo sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing sa halip na magsagawa ng transport strike.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung aalis sa puwesto si Lacanilao bilang pinuno ng LTO.











