--Ads--

Tatlong katao ang nasawi at tatlo pa ang nagkasakit matapos ang pinaghihinalaang outbreak ng hantavirus sa isang cruise ship na nakarehistro sa Netherlands.

Ayon sa Oceanwide Expeditions, operator ng MV Hondius, isang malubhang medical emergency ang kanilang hinaharap habang ang barko ay nasa karagatang malapit sa Cape Verde sa kanlurang Africa.

Batay sa ulat, umalis ang cruise ship mula Argentina mga tatlong linggo na ang nakalipas na may sakay na humigit-kumulang 150 pasahero at bumisita sa ilang destinasyon kabilang ang Antarctica bago tumuloy sa Cape Verde.

Kinumpirma ng Dutch Foreign Ministry na dalawa sa mga nasawi ay mga Dutch national, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

--Ads--

Ayon sa World Health Organization (WHO), isa sa mga pasyente ay nasa intensive care unit sa South Africa, at isa sa anim na kumpirmadong kaso ay nagpositibo sa hantavirus base sa laboratory test.

Patuloy na sinusuri ng WHO ang pinagmulan ng outbreak at nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa posibleng medical evacuation ng mga may sintomas at pagsusuri sa kalagayan ng natitirang pasahero.

Ang hantavirus ay nakukuha mula sa ihi at dumi ng daga at maaaring magdulot ng malubhang respiratory illness na maaaring mauwi sa kamatayan, habang walang tiyak na gamot at suportang lunas lamang ang karaniwang ibinibigay sa mga pasyente.