--Ads--

Tatlong katao ang nasawi habang 21 iba pa ang nasugatan matapos ang isang bombing sa isang restaurant sa Moscow, Russia nitong Sabado, ayon sa National Anti-Terrorism Committee ng bansa.

Ayon sa ulat ng state news agency na Tass, isang improvised o homemade explosive device ang sumabog sa isang restaurant sa Kudrinskaya Square sa sentrong bahagi ng Moscow.

Kabilang sa mga nasawi ang isang babae na may dalang pampasabog, isang security guard na pumigil sa kanya, at isang customer ng restaurant.

Sinabi ng anti-terrorism committee na nagtamo ng iba’t ibang antas ng pinsala ang 21 sugatan sa insidente.

--Ads--

Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at forensic experts sa lugar upang matukoy ang pinagmulan at motibo ng pag-atake.

Makikita rin sa mga larawang kumalat sa Russian Telegram channels ang pagresponde ng mga fire truck at ambulansya sa pinangyarihan ng pagsabog.

Matatandaang ilang beses nang naging target ng mga pag-atake ang Russia sa nakalipas na mga taon. Mula nang magsimula ang digmaan sa Ukraine noong 2022, ilang pag-atake laban sa mga opisyal ng militar at mga personalidad na sumusuporta sa digmaan ang iniugnay o ibinintang sa Ukraine.

Kabilang sa mga naging biktima ng mga nakaraang pag-atake ang senior Russian general na si Yaroslav Moskalik, nationalist na si Darya Dugina, military blogger na si Vladlen Tatarsky, at General Igor Kirillov ng Russian army.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pinakabagong insidente upang matukoy ang mga responsable sa pagsabog.