Umabot na sa tatlo ang patay na baboy na natagpuan sa bahagi ng ilog sa Barangay Alicaocao, Cauayan City, kung saan una nang namataan ang isang baboy na nakalagay sa dilaw na sako bago nadiskubre ang dalawa pa ngayong araw.
Isa sa mga baboy ang tinatayang nasa 40 kilo at nakalagay sa dilaw na sako, habang ang isa naman ay walang sako at mas malaki ang katawan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Domingo Fontanilla, residente ng Barangay Alicaocao, sinabi niyang una niyang napansin ang dilaw na sako habang papunta siya sa Carabbatan Chica, ngunit hindi niya agad inakala na baboy ang laman nito.
Nang pauwi na siya at dumaan sa Alicaocao Overflow Bridge, Cauayan City, bandang alas-12 ng tanghali kahapon, nitong Setyembre 23, napansin naman niya ang isa pang patay na baboy dahil sa masangsang na amoy.
Hinala ni Fontanilla, posibleng sinadya ang pagtatapon sa mga patay na baboy sa lugar. Aniya, ito ang unang pagkakataon na nakapagtala siya ng ganitong pangyayari sa kanilang lugar.
Samantala, matapos ang panayam ay isa na namang patay na baboy ang natagpuan sa parehong bahagi ng ilog, dahilan upang umabot na sa tatlo ang mga patay na baboy na namataan sa lugar.
Ayon sa opisyales ng nasabing barangay, ang baboy na nakalagay sa dilaw na sako ay naalis na at nailibing, habang hindi pa naaalis ang dalawa pang patay na baboy.
Nanawagan naman si Fontanilla sa mga may alagang hayop na kung sakaling mamatay ang kanilang mga alaga ay maayos itong ilibing at huwag basta itapon sa ilog o iba pang lugar upang hindi makaapekto sa kalinisan at kalusugan ng mga residente at iba pang hayop.











