Tuluyang nabuwag ng mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang drug den sa Barangay Callao East, Santiago City matapos ang isinagawang anti-illegal drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong indibidwal at pagkakasagip sa isang menor de edad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent (IA) V Jojo Gayuma, Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela, sinabi nito na isinagawa ang operasyon dakong alas-4:10 ng hapon nitong Hunyo 18 sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Isabela Provincial Office, PDEA Quirino Provincial Office, PDEA CAR, SEIU RSCT Bravo, Police Station 1 ng Santiago City Police Office at Regional Drug Enforcement Unit.
Sa isinagawang pagsalakay, nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang 150 gramo ng pinaghihinalaang tuyong dahon at fruiting tops ng marijuana na may standard drug price na P18,000 at pitong gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P8,400.
Narekober din sa lugar ang buy-bust money, isang iPhone 11 at iba’t ibang drug paraphernalia na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na aktibidad.
Naaresto sa operasyon ang mga suspek na 28-anyos at residente ng Barangay Planas, Ramon, Isabela, isang babae na 41-anyos, at isang 27-anyos, na kapwa residente ng Barangay Calao East, Santiago City.
Samantala, isang 17-anyos na menor de edad na residente rin ng nasabing lungsod ang nasagip sa operasyon at agad na itinurn-over sa mga kaukulang ahensya upang mabigyan ng kaukulang interbensyon at proteksyon alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Nahaharap naman ang tatlong naarestong suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.









