--Ads--

Bagsak sa kulungan ang dalawang lalaki matapos salakayin ng mga tauhan ng Cauayan City Police Station ang isang abandonadong bahay na umano’y ginagamit bilang drug den sa Purok 4, Barangay Nagrumbuan, Cauayan City, noong Setyembre 18, 2026.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, ikinasa ng pulisya ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y patuloy na paggamit ng ilegal na droga sa naturang lugar.

Ayon sa police report, bandang alas-12 ng tanghali nang magsagawa ng surveillance ang mga pulis, katuwang ang isang informant. Sa pagmamanman mula sa bintana ng abandonadong bahay, nasaksihan umano ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na gumagamit ng hinihinalang ilegal na droga.

Nang pasukin ng mga pulis ang bahay, naabutan ang dalawang suspek na umano’y nasa gitna ng kanilang “pot session” at tumambad ang iba’t ibang durg paraphernalia.

--Ads--

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Jun,” 49-anyos, construction worker at residente ng Purok 3, at alyas “Ben,” 48-anyos, self-employed at residente ng Purok 4, kapwa sa Barangay Nagrumbuan.

Narekober sa lugar ang isang sachet ng hinihinalang shabu at isa pang sachet na may hinihinalang residue, dalawang piraso ng rolled aluminum foil, isang lighter, at dalawang cellphone.

Ayon sa pulisya, ang abandonadong bahay ay pagmamay-ari rin ng anak ng isa sa mga suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station ang dalawang suspek habang inihahanda ang kaukulang mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.