--Ads--

Magpapadala ang Isabela Police Provincial Office ng 300 tauhan sa Quezon City bilang augmentation force upang tumulong sa pagpapatupad ng seguridad sa gaganaping State of the Nation Address o SONA sa Hulyo 27.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng IPPO, sinabi niya na nakatanggap na sila ng direktiba mula sa higher headquarters na magpadala ng karagdagang puwersa mula sa iba’t ibang police stations at mobile force units ng lalawigan.

‎Aniya, isinagawa na ang pre-deployment briefing para sa mga ipapadalang pulis kung saan ipinaalala ang kahalagahan ng disiplina, tamang koordinasyon, at pagsunod sa kanilang mga nakatalagang misyon. Inaasahang mananatili ang mga ito sa Quezon City hanggang Hulyo 28.

‎Sinabi rin ni Topinio na naka-standby na ang mga tauhan at hinihintay na lamang ang sasakyang maghahatid sa kanila patungong Metro Manila.

--Ads--

‎Sa kabila ng deployment ng 300 personnel, tiniyak ni Topinio na mananatiling mahigpit ang seguridad sa buong lalawigan ng Isabela dahil naka-full alert status ang IPPO. Patuloy rin aniya ang monitoring sa anumang posibleng kilos-protesta o pagtitipon kaugnay ng SONA at nakahanda ang mga pulis na magbigay ng seguridad kung kinakailangan.