--Ads--

Nabawi ng mga operatiba ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang isang arms cache na umano’y pag-aari ng Communist Terrorist Group o CTG sa Barangay Sinamar, Roxas, Isabela, nitong Oktubre 8.

Bandang alas-1:40 ng hapon nang isagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon noong Oktubre 7 tungkol sa umano’y nakabaong armas at iba pang kagamitan sa lugar.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company, katuwang ang Roxas Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit ng IPPO, 201st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, Regional Intelligence Unit 2–Provincial Intelligence Team Isabela West, at Isabela Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit o PECU.

Nakuha mula sa isang nakabaong asul na timba ang tatlong grenade rifle M76, dalawang 40mm cartridge, isang improvised APERS mine, non-electric blasting cap, commercial time fuse at detonating cord.

--Ads--

Kasama rin sa narekober ang 65 rounds ng 7.62mm ammunition, limang 12-gauge shotgun cartridges, isang improvised shotgun, isang 7.62mm magazine, dalawang handheld radio at charger, isang subversive document, bandolier, mga damit na may pangalan ng Fortunato Camus Command, camouflage garment, raincoat at ang asul na timba.

Dinala ang mga nakuhang kagamitan sa headquarters ng 1st IPMFC para sa dokumentasyon at pansamantalang pangangalaga, habang ang mga military ordnance at improvised explosive devices o IED ay ipinasa sa kustodiya ng Isabela PECU para sa kaukulang disposisyon.