
CAUAYAN CITY – Tuluyan ng nagtapos sa Alternative Learning System o ALS ang mahigit 30 Person’s Deprived of Liberty (PDLs) sa Provincial District Jail ng lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Provincial Local Government Unit, 33 PDLs ang nakatanggap ng certificates of completion bilang tanda ng tuluyang pagtatapos sa ALS na ginanap sa Provincial Jail, Bayombong.
Sa naturang bilang ay 11 PDLs ang elementary completers habang 22 ang nakapagtapos ng junior high school.
Dinaluhan ito ni Provincial Administrator Maybelle Dumlao-Sevillena, Jail Insp. Carmelo Andrada, ang Provincial Warden at ilang kinatawan ng DepEd.
Layon ng lalawigan na mabigyan pa rin ng pagkakataon na makapag-aral at mabigyan ng oportunidad na madagdagan ang kaalaman ng mga detainee habang nasa loob ng piitan.
Kaugnay nito sa pamamagitan ng ALS ay nais ng DepEd na mapataas pa ang socio-economic status ng mga out-of-school youths o OSYs at mga mahihirap na bilanggo sa pamamagitan ng pagpalalago ng kanilang karunungan at abilidad na makatulong sa kanila upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at maging isang mabuting indibidwal.
Dahil sa pandemya, hindi na nakadalo pa ang mga kaanak ng mga Detainee na nagtapos.
Umaasa ang BJMP Nueva Vizcaya na magpapatuloy ang interest ng mga detainee na matuto hanggang sa makapagtapos ng kolehiyo.









