--Ads--

Nasawi ang isang 28-anyos na babaeng motorcycle rider matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang wing van truck sa Purok Saranay, Barangay Batal, Santiago City.

Kinilala ang biktima na residente ng Barangay Santa Maria, Alfonso Lista, Ifugao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office, sinabi nitong magkasalungat ang direksiyon ng biyahe ng dalawang sasakyan nang mangyari ang insidente sa Maharlika Highway.

Patungo umano sa Barangay Divisoria ang motorsiklo ng biktima, habang papunta naman sa city proper ang wing van truck.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon, napunta umano sa lane ng truck ang motorsiklo habang binabagtas ang naturang highway, dahilan upang tangkain ng driver ng truck na umiwas sa paparating na rider.

Gayunman, hindi na naiwasan ang banggaan na nagresulta sa matinding pinsala sa biktima.

Agad na isinugod sa pagamutan ang 28-anyos na rider ng mga rumespondeng rescue personnel, subalit hindi na ito naisalba at idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Ayon kay PMaj. Aggabao, ang pagpasok umano ng motorsiklo sa lane ng kasalubong na truck ang tinitingnang sanhi ng aksidente.

Bagama’t maayos ang kondisyon ng kalsada sa naturang bahagi ng Maharlika Highway, madilim umano ang lugar dahil sa kawalan ng mga streetlight na posibleng nakaapekto sa visibility ng mga motorista, lalo na sa madaling-araw.

Dahil dito, kabilang sa mga rekomendasyon ng Traffic Enforcement Unit ang posibleng paglalagay ng mga streetlight sa lugar upang mapabuti ang visibility at maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Samantala, naiulat na nagkaroon ng amicable settlement ang magkabilang panig kasunod ng insidente.

Muling pinaalalahanan ng mga kapulisan ang mga motorista na manatili sa tamang lane, maging maingat sa pagmamaneho at iwasan ang mga biglaang maniobra upang maiwasan ang mga aksidente sa lansangan na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang sarili at sa kapwa motorista.