--Ads--

Pinaiigting ng Isabela Provincial Highway Patrol Group ang inspeksyon sa mga bus terminal at pagbabantay sa mga pangunahing lansangan sa lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong holiday season.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, Provincial Officer ng Isabela Provincial Highway Patrol Group, sinabi nitong kabilang sa kanilang sinusuri ang kondisyon ng mga gulong, ilaw at iba pang mahahalagang bahagi ng mga pampasaherong sasakyan bago bumiyahe.

Layunin nitong matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga bus at maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng mga sirang bahagi ng sasakyan.

Patuloy din ang kanilang pagbabantay sa mga pangunahing lansangan, partikular sa mga sasakyang walang maayos na ilaw na maaaring pagmulan ng aksidente.

--Ads--

Ayon kay Sales, regular na nagpapatrolya ang kanilang mga tauhan gamit ang mga motorsiklo sa pamamagitan ng 48-oras na rotation schedule upang maiwasan ang pagkakaroon ng nakasanayang pattern sa kanilang operasyon.

Tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa mga terminal at lansangan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko ngayong holiday season.