CAUAYAN CITY- Patuloy na nilalapatan ng lunas ang 36 na sugatan sa naganap na pagbaliktad ng isang pampasaherong jeep sa daan sa Cudal, Tabuk City, Kalinga.
Nakilala na rin ang mga nasawi na sina Irene Mayaoyao, 40 anyos, may-asawa at ang mga estudyante na sina Vandam Mayaoyao at Hero Wackisin, pawang residente ng Mabaca, Tanudan,Kalinga.
Karamihan sa 36 na nasugatan ang nilalapatan ng lunas sa Kalinga Provincial Hospital habang ang iba ay nasa pribadong ospital.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Tabuk City Police Station, ang jeep na may plakang ADA 388 ay minaneho ni Ramos Mayaoyao at natuklasan na walang lisensiyang magmaneho.
Marami ang sakay ng jeep dahil punung-puno sa loob at marami pa ang nasa topload.
Lumabas sa pagtatanong ng Tabuk City Police Station kay Ramos Mayaoyao na nawalan siya ng kontrol sa manibela sa pababang bahagi ng daan sa barangay Cudal.
Ang driver ay nasa pangangalaga na ng Tabuk City Police Station at sasampahan ng kasong Reckless Imprudence resulting in multiple homicide at multiple injuries.