--Ads--

Naaresto ang apat na lalaki, kabilang ang tatlong magkakapatid, sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Bayombong, Nueva Vizcaya nitong gabi ng Agosto 28 hanggang madaling araw ng Agosto 29, 2026.

Unang isinagawa ang operasyon dakong alas-7:05 ng gabi sa Purok 2, Barangay La Torre North, sa pangunguna ng PDEA Nueva Vizcaya Provincial Office, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 2 at Bayombong Police Station.

Target ng operasyon ang isang bahay na umano’y ginagamit bilang drug den ng magkakapatid na nakilalang sina alyas Boy, 52-anyos, tricycle driver; alyas Bong, 39-anyos, construction worker; at alyas Buboy, 47-anyos, construction worker.

Nakumpiska sa operasyon ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱68,000. Narekober din ang buy-bust money at iba’t ibang drug paraphernalia.

--Ads--

Ayon sa mga awtoridad, dati nang naaresto si alyas Buboy dahil din sa illegal na droga.

Dinala ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Bayombong Police Station para sa dokumentasyon at imbestigasyon.

Samantala, isa pang 20-anyos na lalaki ang naaresto ng Bayombong PNP dakong alas-1 ng madaling araw sa harap ng isang sementeryo sa Don Mariano Perez matapos umanong magbenta ng ilegal na droga sa isang nagpanggap na buyer.

Nakuha sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tig-0.2 gramo.

Nahaharap ang apat na suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.