Apat na katao ang nasawi kabilang ang dalawang estudyante sa naganap na pamamaril sa isang pribadong paaralan sa Zamboanga City nitong Martes ng umaga, Agosto 18, kabilang umano ang itinuturong shooter, ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang security guard at dalawang high school student, habang siyam na estudyante pa ang iniulat na malubhang nasugatan.
Batay sa paunang impormasyon, nakapasok umano sa Ateneo de Zamboanga University ang suspek na may dalang high-powered firearm at .45 caliber pistol. Nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga.
Lumilitaw sa mga kuhang video na unang pinaputukan ng suspek ang isang guro na nakaupo sa isang mesa. Matapos umano itong hindi tamaan, lumipat ang suspek sa ibang silid at pinaputukan ang isang estudyante na kalaunan ay nasawi.
Matapos ang pamamaril, binawian din umano ng buhay ang suspek matapos nitong magbaril sa sarili.
Kinumpirma rin ng alkalde na nakasuot umano ng body camera ang suspek at nagla-live stream habang isinasagawa ang insidente.
Dahil dito, sinuspinde ni Olaso ang mga klase sa lungsod nitong Martes ng umaga.
Samantala, sinabi ng Ateneo de Zamboanga University Junior High School na kontrolado na ang sitwasyon. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye at motibo sa insidente.
Nanawagan ang pamahalaang lungsod sa publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, larawan o video na maaaring magdulot ng dagdag na pangamba o makaapekto sa isinasagawang imbestigasyon.










