Kulungan ang bagsak ng isang 40-anyos na lalaki matapos itong maaresto at makumpiskahan ng caliber .38 revolver, dalawang bala, at dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon sa Brgy. Annafunan, Tumauini, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Art,” 40-anyos, may asawa, tricycle driver, tubong Minaulon, Bacolod, Lanao del Norte, at kasalukuyang residente ng Brgy. District 4, Tumauini, Isabela.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng intelligence monitoring at information-gathering activities ang mga tauhan ng Tumauini Municipal Police Station (MPS) at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (PIU-IPPO) sa naturang lugar nang mamataan ang suspek na umano’y nanggugulo at nagbabanta sa mga dumaraang tao.
Sa isinagawang pagmamanman, napansin ng mga operatiba ang nakausling bahagi ng isang bagay mula sa itim na belt bag ng suspek na pinaniniwalaang hawakan ng baril. Nang lapitan at maayos na makausap ang suspek, nakumpirma na ito ay isang caliber .38 revolver.
Nang hingan ng kaukulang dokumento o lisensya para sa pagmamay-ari ng baril, hindi ito naipakita ng suspek kaya siya ay inaresto.
Nakumpiska rin mula sa kanyang belt bag ang dalawang heat-sealed transparent sachets na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o “shabu,” gayundin ang dalawang bala ng caliber .38.
Matapos ang dokumentasyon, dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Tumauini MPS para sa kaukulang disposisyon at pagsasagawa ng mga legal na proseso.











