--Ads--

Nanawagan ng agarang aksyon ang isang jeepney driver kaugnay ng umano’y paulit-ulit na pagkuha ng mga pasahero ng ilang tricycle driver sa Cauayan City, na sinasabing nakaaapekto sa kabuhayan ng mga tsuper ng jeepney.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ramon Soriano, isang jeepney driver na bumibiyahe mula San Mateo patungong Cauayan City, inilahad niya ang umano’y pagsasakay ng ilang tricycle driver ng mga pasahero sa harap mismo ng mga jeepney, na nagdudulot ng kompetisyon sa pagkuha ng mga pasahero.

Ayon kay Soriano, matagal na umanong nangyayari ang ganitong sitwasyon at hindi lamang ito isang beses na naganap. Kabilang sa kaniyang mga ikinababahala ang pagkuha umano ng mga tricycle driver ng mga pasaherong patungong Cabatuan, na aniya ay hindi saklaw ng kanilang itinalagang ruta.

Dahil dito, iginiit ni Soriano ang pangangailangang maaksyunan ang kanilang reklamo at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon sa ruta ng mga pampasaherong sasakyan.

--Ads--

Umaasa ang jeepney driver na mabibigyang-pansin ng mga kinauukulan ang kanilang hinaing upang malinawan ang mga patakaran sa pagsasakay ng mga pasahero at maiwasan ang patuloy na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tsuper.