--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 2 na ang inaprubahang wage increase sa ikalawang rehiyon na 50 pesos hanggang 75 pesos  ay ipatutupad  nang  dalawa hanggang tatlong  tranches.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE region 2 na ang kasalukuyang arawang sahod na 370 pesos sa non-agriculture sector ay magiging 420 pesos na dahil sa 50 pesos na dagdag sahod.

Ang unang dagdag na 30 pesos ay ipatutupad 15 araw matapos na mailathala sa pahayagan ang bagong wage order habang ang karagdagang 20 pesos ay ipatutupad sa January 1,  2023.

Sa agriculture sector, ang minimum wage ngayon na 345 pesos  ay magiging 400 pesos na dahil sa karagdagang 55 pesos.

--Ads--

Sa hanay naman ng retail and services establishment na  hindi hihigit sa 10 ang empleyado ay  75  pesos ang dagdag sa sahod na ipatutupad sa tatlong tranches.

Inihayag ni Ginoong  Trinidad  na ang inaprubahang pagtaas ng arawang sahod ay isasailalim pa sa review at approval ng wage board ng punong tanggapan ng DOLE.

Kapag ibinalik na sa kanilang tanggapan ay saka lamang ilalathala sa pahayagan na may general circulation at pagkatapos ng 15 na araw ay ipatutupad na ang bagong wage order.