--Ads--

Suportado ng 5th Infantry Division ng Philippine Army ang bagong pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Army kasunod ng isinagawang change of leadership kahapon, Hulyo 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Ed Rarugal, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, sinabi nitong normal na proseso sa militar ang pagpapalit ng mga pinuno matapos ang kanilang dalawang taong panunungkulan.

Ayon kay Army Maj. Rarugal, itinalaga si Lt. Gen. Antonio Nafarrete bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines habang si Lt. Gen. Donald Gumiran, dating Commander ng Western Mindanao Command at tubong Cabagan, Isabela, ang bagong Commanding General ng Philippine Army.

Bagama’t ikinatuwa ng mga sundalo na isang Isabelino ang mamumuno ngayon sa Philippine Army, sinabi ni Rarugal na higit nilang binibigyang-halaga ang kakayahan sa pamumuno kaysa sa pinanggalingang lugar ng kanilang commander.

--Ads--

Aniya, patuloy nilang susuportahan at susundin ang mga direktiba ng bagong liderato ng AFP at Philippine Army.

Kasabay nito, sinabi ni Army Maj. Rarugal na ipagpapatuloy ng Philippine Army ang modernisasyon nito kasabay ng unti-unting paglipat mula sa internal security operations patungo sa external security operations upang makasabay sa mga bagong hamon sa seguridad ng bansa.

Dagdag pa niya, magpapatuloy rin ang mga joint at interoperability exercises ng Philippine Army kasama ang Estados Unidos at iba pang kaalyadong bansa upang higit na mapalakas ang kahandaan ng mga tropa, lalo na sa gitna ng mga usapin sa West Philippine Sea.

Sinabi rin ng opisyal na sakaling magkaroon ng panlabas na banta at makapasok ang kalaban sa teritoryo ng Pilipinas, ang mga ground forces ng Philippine Army ang mangunguna sa pagtugon, kabilang ang mga tropa ng 5th Infantry Division na nakatalaga sa Northern Luzon.

Samantala, inaasahan din umano ang pagbisita ng bagong Commanding General ng Philippine Army sa iba’t ibang major units ng hukbo, kabilang ang 5th Infantry Division, bilang bahagi ng kanyang pag-iikot sa mga yunit na nasa ilalim ng kanyang pamumuno.