--Ads--

Nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. matapos siyang batikusin ng Chinese Embassy kaugnay ng pagsususpinde sa military-to-military communication sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa pahayag nitong Martes, sinabi ng AFP na ibinatay ang desisyon na suspindihin ang naturang komunikasyon tatlong taon na ang nakalilipas sa karanasan at umano’y kabiguan ng mga mekanismo na makapagdulot ng makabuluhang resulta sa gitna ng patuloy na mapanuksong aksiyon ng People’s Liberation Army at China Coast Guard.

Binigyang-diin din ng militar na tungkulin ng bawat Pilipino na pangalagaan ang soberanya at ipagtanggol ang integridad ng teritoryo ng bansa.

Matatandaang inakusahan ng Chinese Embassy si Teodoro na sinuspinde ang komunikasyong militar para sa pansariling interes sa politika, na anila’y nagpapalala sa kawalan ng tiwala at nagpapaliit sa pagkakataong mapangasiwaan ang mga krisis.

--Ads--

Bilang tugon, iginiit ni Teodoro na matagal nang suspendido ang naturang komunikasyon, o humigit-kumulang tatlong taon na.

Nauna nang muling inilabas ng DND ang pahayag nito noong Mayo 2024 hinggil sa pagtigil ng komunikasyon sa pagitan ng kagawaran at ng Chinese Embassy matapos maupo si Teodoro bilang kalihim noong Hulyo 2023.