--Ads--

Isinagawa sa Isabela State University-Cauayan Campus ang Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test o AFPSAT bilang bahagi ng recruitment process para sa mga nais makapasok sa serbisyo militar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Technical Sergeant Buddy Segundo, Area Coordinator ng AFPSAT sa Region 2, sinabi niyang hanggang Setyembre 15 ang qualification at examination activity, na target makapagproseso ng hindi bababa sa 200 aplikante.

Ayon kay Segundo, bahagi ng pre-entry examination ang AFPSAT at isa ito sa mga unang hakbang sa pagpasok sa Armed Forces of the Philippines.

Kabilang sa pangunahing requirements ang pagiging natural-born Filipino citizen, sapat na educational qualification, height requirement at malinis na record, bukod sa iba pang qualification depende sa entry program.

--Ads--

Ang mga makapapasa sa AFPSAT ay sasailalim pa sa iba pang pagsusuri, kabilang ang physical fitness test, interview at medical examination.

Kabilang sa mga maaaring pasukan ang Candidate Soldier Course o CSC at Officer Candidate Course o OCC.

Nilinaw naman na hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagtanggap sa serbisyo ang pagpasa sa AFPSAT dahil kailangan pang makumpleto ang iba pang recruitment process.

Samantala, kabilang sa mga kumuha ng pagsusulit si Shean Alvert Tacdol, na nagsabing naging inspirasyon niya ang kapatid na kasalukuyang nagsisilbi sa militar.

Bukod sa kagustuhang makapaglingkod sa bansa, nais din niyang subukan ang kaniyang kakayahan at maging bahagi ng serbisyo militar.

Inamin ni Tacdol na nakaramdam siya ng kaba bago ang pagsusulit kaya naghanda siya sa pamamagitan ng pagrereview.

Umaasa siyang makapapasa sa AFPSAT upang maipagpatuloy ang kaniyang aplikasyon at makasailalim sa mga susunod na yugto ng recruitment process.

Hinikayat naman ng AFP ang mga kwalipikadong indibidwal na interesado sa serbisyo militar na samantalahin ang recruitment activity sa ISU-Cauayan Campus hanggang Setyembre 15.