--Ads--

Umabot sa 322 aplikante ang nakilahok sa isinagawang Labor Day Job Fair sa isang malaking Mall sa Santiago City kung saan 67 ang agad na na-hire o “hired on the spot,” ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Reginald Estioco ng DOLE Isabela, sinabi nito na katumbas ito ng 27% hiring rate na mas mataas sa target nilang 20% kada job fair.

Ayon pa sa kanya, may kabuuang humigit-kumulang 1,700 job vacancies ang inialok sa naturang aktibidad.

Ipinaliwanag ni Estioco na mas marami ang bakanteng trabaho kumpara sa bilang ng aplikante dahil sunod-sunod na job fairs ang isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng Isabela gaya ng Cauayan City at lungsod ng Ilagan, kaya’t may ilan nang nakahanap ng trabaho habang ang iba naman na kaka-graduate pa lamang ay kasalukuyang kumukumpleto pa ng requirements tulad ng diploma at transcript of records.

--Ads--

Kabilang sa mga in-demand na trabaho ang production workers, service crew, sales personnel, heavy equipment operators, at maging mga bagong posisyon tulad ng content development specialist at communication specialist na nakatuon sa social media at digital platforms.

Samantala, nananatiling normal ang sitwasyon ng employment sa lalawigan bagamat may naitalang halos 30 returning overseas Filipino workers mula sa Gitnang Silangan na na-validate ng DOLE katuwang ang Department of Migrant Workers.

Ayon kay Estioco, maaari silang matulungan sa pamamagitan ng livelihood assistance depende sa kanilang pangangailangan.

Hinikayat naman ng DOLE ang mga hindi nakadalo sa job fair na makiisa sa mga susunod pang aktibidad, kabilang ang job fair sa City of Ilagan sa Mayo 5 at ang nakatakdang Independence Day Job Fair sa Hunyo 12.