Inihatid na sa kanyang huling hantungan ngayong araw, Oktubre 8, si Lianna Venice Tañedo, 7-anyos, at isa sa dalawang batang nasawi sa Color Bubble Fun Run na naganap sa Cauayan South Central School noong Oktubre 3.
Dinaluhan ng kanyang pamilya, mga kaanak, kaibigan at mga nakikiramay ang kanyang huling pamamaalam upang iparating ang kanilang pakikiramay sa naulilang pamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonisa Salonga, malapit sa pamilya, sinabi niyang labis ang bigat na nararamdaman ng pamilya, lalo na ng mga magulang ni Lianna, sa biglaang pagkawala ng bata.
Inilarawan ni Salonga si Lianna bilang isang mabait, magalang at magandang bata na nag-iwan ng magagandang alaala sa mga taong nakakilala sa kanya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi at iba pang detalye kaugnay ng naturang insidente.











