--Ads--

Nakilahok ang humigit-kumulang 70 kabataan mula sa iba’t ibang barangay sa Santiago City upang lumahok sa United Free Summer Volleyball Clinic 2026 na inilunsad ng United Santiago City Incorporated katuwang ang lokal na pamahalaan ng Santiago City.

‎Layunin ng programa na higit pang paunlarin ang pundamental na kasanayan ng mga kabataan sa larangan ng volleyball habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina, wastong asal, at pagpapahalaga sa sportsmanship.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mharfil Garcia, hindi lamang teknikal na kakayahan sa isports ang nais nilang maitanim sa mga kalahok kundi maging ang mga positibong pagpapahalaga na makatutulong sa kanilang paglago bilang responsableng miyembro ng komunidad.

‎Saklaw ng pagsasanay ang mga batang may edad pito hanggang 17 taong gulang na sumailalim sa serye ng mga volleyball drills at skills development sessions sa ilalim ng pangangasiwa ng mga volunteer trainers at sports advocates.

‎Naging kapansin-pansin din ang matibay na suporta ng mga magulang na personal na dumalo at naglaan ng oras upang samahan ang kanilang mga anak sa buong programa.

‎Ipinahayag din ni Garcia ang kaniyang kasiyahan sa naging bunga ng mga naunang sports development initiatives ng organisasyon matapos makapasok ang ilan sa kanilang mga dating miyembro sa mas mataas na antas ng kompetisyon, kabilang ang Palarong Pambansa.

‎Samantala, bukod sa volleyball, patuloy ring nagsasagawa ang nabanggit na organisasyon ng mga programang pangkabataan tulad ng badminton training, basketball training, at team-building activities bilang bahagi ng mas malawak nitong adbokasiya sa pagpapaunlad ng talento, disiplina, at pagkakaisa ng kabataan sa Santiago City.