--Ads--

Matagal na paghahanda at ilang taong paghubog sa mga batang atleta ang nagbunga ng makasaysayang tagumpay para sa Region 2 matapos masungkit ang kauna-unahang gintong medalya sa volleyball elementary girls team event sa Palarong Pambansa 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coach Solomon Acio ng Volleyball Elementary Girls, sinabi nito na hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan bago makamit ang kampeonato dahil dumaan ang kanilang koponan sa iba’t ibang kompetisyon upang mahasa ang kakayahan at tibay ng loob ng mga manlalaro.

Ayon kay Coach Acio, tatlong taon nilang inihanda ang kasalukuyang koponan habang sampung beses na rin siyang nakapagdala ng mga atleta sa Palarong Pambansa bago tuluyang maabot ang inaasam na gintong medalya para sa rehiyon.

Sinabi pa ng coach na naging malaking hamon ang kakulangan sa resources at sponsors kumpara sa ibang rehiyon ngunit hindi ito naging hadlang upang makipagsabayan ang kanilang koponan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa bansa.

--Ads--

Aniya, naging mahalagang bahagi ng kanilang paghahanda ang pagsali sa mga liga at torneo sa iba’t ibang lugar upang masanay ang mga atleta sa matitinding laban at malalaking audience.

Samantala, sinabi naman ni Nichole Rodriguez, Most Valuable Player at team captain ng Region 2, na naging susi sa kanilang tagumpay ang pagtitiwala sa game plan ng kanilang coach at ang determinasyon ng bawat manlalaro na maiuwi ang kampeonato.

Ayon kay Rodriguez, nagsilbing inspirasyon sa kanila ang hangaring makagawa ng kasaysayan at makapag-iwan ng magandang pamana para sa mga susunod na batang volleyball players ng Region 2.

Nagpasalamat din siya sa kanilang mga coach, pamilya, paaralan at mga sumuporta sa kanilang kampanya hanggang sa kanilang matagumpay na paglahok sa Palarong Pambansa 2026.