Nagtala ng bagong Guinness World Record ang isang 78-anyos na lola mula sa Scotland matapos kilalaning pinakamatandang babaeng Fortnite streamer sa streaming platform na Twitch.
Kinilala ng Guinness World Records si Cath Bowie, na kilala online bilang grumpygran48, bilang pinakamatandang babaeng Fortnite streamer sa Twitch sa edad na 78.
Ayon kay Bowie, nagsimula ang kanyang interes sa laro noong 2017 matapos niyang mapanood ang kanyang apo na naglalaro ng Fortnite. Dahil dito, sinubukan niya rin ang laro at tuluyang nahilig dito.
Sa loob ng halos siyam na taon, patuloy siyang nagli-livestream ng kanyang mga laro at sinabi niyang hindi niya hinayaang maging hadlang ang kanyang edad sa kanyang hilig sa gaming.
Bagama’t nakasubok na siya ng iba’t ibang laro, sinabi niyang nananatiling Fortnite ang paborito niya dahil sa excitement na dulot nito.
Itinampok din si Bowie sa Guinness World Records Gamer’s Edition 2027, na aniya’y isa lamang dating pangarap na ngayon ay kanyang natupad.
Ayon sa kanya, malaking karangalan ang makapasok sa aklat at makamit ang naturang world record.











