Nagtala ng bagong Guinness World Record ang isang limang taong gulang na asong Labrador sa Missouri, United States, dahil sa kakaiba nitong kakayahang magsabit ng mga sipit sa sampayan gamit ang bibig.
Kinilala si Java, isang itim na Labrador na alaga ni Lisa Rickards, 46-anyos, matapos makapagsabit ng walong clothes pins sa sampayan sa loob lamang ng isang minuto.
Isinagawa ang pagtatangka noong Marso 21 sa Kansas City, kung saan matagumpay na naipakita ni Java ang kaniyang kakaibang kasanayan.
Ayon kay Rickards, una niyang nakilala si Java bilang trainee service dog sa ilalim ng Canine Companions. Sa unang 18 buwan nito, siya ang nagsanay at nagpalaki sa aso upang ihanda ito sa pagiging service dog.
Gayunman, matapos sumailalim sa mas mataas na antas ng pagsasanay, napagpasyahang hindi angkop si Java sa programa kaya muli niya itong inampon bilang alagang hayop.
Sa halip na ipagpatuloy ang service dog training, itinuon nila ang kanilang pagsasanay sa canine sports at iba pang kakaibang tricks.
Ayon pa kay Rickards, likas na masigla at mahilig matuto si Java, lalo na sa pamamagitan ng pagmamasid sa ginagawa ng ibang aso at tao bago ito gayahin.











