--Ads--

Nakapagtala ng bagong Guinness World Record ang performance painter na si David Garibaldi matapos niyang makumpleto ang pagpipinta ng Statue of Liberty sa loob lamang ng 43.5 segundo.

Inanunsyo ang kaniyang tagumpay kasabay ng pagdiriwang ng ika-22 Guinness World Records Day nitong Huwebes.

Ayon kay Garibaldi, layunin niyang magtakda ng bagong pamantayan sa bilis ng pagpipinta at magbigay-inspirasyon sa mga bata at matatanda na subukan ang kanilang kakayahan at abutin ang kanilang mga pangarap.

Isinagawa niya ang pagtatangka sa isang lugar sa New York City na may malinaw na tanawin ng naturang tanyag na monumento.

--Ads--

Ayon naman kay Guinness World Records adjudicator Michael Empric, angkop na isagawa ang pagtatangka sa waterfront ng New York, kung saan matatanaw ang Statue of Liberty, bilang bahagi ng pagdiriwang sa mga natatanging tagumpay sa buong mundo.