Posibleng humarap sa pag-aresto at kasong illegal gambling ang mga mahuhuling nagsusugal sa mga lamay sa Ramon, Isabela, sa oras na tuluyang ipatupad sa Setyembre ang bagong kautusan ng lokal na pamahalaan.
Pinaigting na ng Ramon Police Station ang information dissemination kaugnay ng Executive Order na nagreregula sa parlor at card games sa mga lamay sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-Ar Olya-on, Chief of Police ng Ramon Police Station, sinabi niyang nakaayon ang kautusan sa Presidential Decree 1602 o batas laban sa illegal gambling.
Ayon kay PMaj. Olya-on, ngayong Agosto, nakatuon muna ang kapulisan sa pagbibigay ng impormasyon at babala sa publiko bago ang full implementation nito sa Setyembre.
Aniya, matagal nang nakasanayan sa ilang lamay ang paglalaro ng baraha na may kasamang pustahan, ngunit maaari itong mauwi sa pagkakautang, alitan at iba pang insidente.
Binigyang-diin ng Hepe na kahit walang bagong Executive Order, ipinagbabawal na ng batas ang illegal gambling. Maaari namang maglaro ng baraha o iba pang laro ang mga nakikiramay upang hindi antukin, basta walang pera, pustahan o taya.
Layunin din ng kautusan na mapanatili ang kapayapaan ng lamay at maiwasang maging lugar ito ng pagsusugal.
Nilinaw ng hepe na Executive Order pa lamang ito at hindi ordinansa, ngunit maaari itong ipatupad bilang bahagi ng mga kautusan ng lokal na pamahalaan na nakaayon sa umiiral na batas.
Sa pagsisimula ng full implementation sa Setyembre, maaaring arestuhin ang mga mahuhuling nagsusugal, kumpiskahin ang mga gamit na pansugal at isailalim sa kaukulang proseso para sa pagsasampa ng kaso.
Samantala, ipinaalala naman ng lokal na pamahalaan na may financial assistance na humigit-kumulang ₱20,000 para sa mga pamilyang namatayan bilang bahagi ng suporta nito sa mga residente.











