Nasawi ang walong katao matapos bumagsak ang isang charter aircraft malapit sa isang remote radar site sa western Alaska, United States nitong Huwebes.
Ayon sa US military, dalawang piloto at anim na pasahero ang sakay ng aircraft nang bumagsak ito sa Cape Newenham Long Range Radar Site Airport, na nasa humigit-kumulang 725 kilometro kanluran ng Anchorage.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang Alaska Rescue Coordination Center matapos makatanggap ng ulat hinggil sa insidente.
Kinumpirma ng US Air Force na walang nakaligtas sa insidente. Ayon kay Lt. Gen. Robert Davis, commander ng Alaskan Command, malaking dagok ang insidente sa kanilang military family at sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng aircraft.











