--Ads--

Umabot sa 87% ng mga tricycle driver sa apat na lungsod sa Rehiyon Dos ang matagumpay na nakatanggap ng Cash Relief Assistance (CRA) mula sa DSWD noong ika-8 ng Abril 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na bagama’t naging matagumpay ang paglulunsad ng programa, may ilang isyung naitala kaugnay sa listahan ng mga benepisyaryong tricycle driver.

Ayon sa kanya, kabilang sa mga naging concern ang pagkakasama ng ilang tricycle operators na hindi dapat kabilang sa programa, dahil nakalaan lamang ito para sa mga aktibong tricycle driver na tunay na namamasada.

Mayroon ding ilang benepisyaryo na hindi nakadalo sa payout, habang ang iba naman ay hindi nakapunta dahil naka-confine sa ospital o may iba pang valid na dahilan.

--Ads--

Dahil sa mga nabanggit na isyu, hindi muna naibigay ang ayuda sa mga apektadong indibidwal.

Sa kasalukuyan, inaayos na ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo upang maisagawa ang special payout para sa mga hindi nakatanggap ng tulong noong Abril 8.

Tiniyak ni Alan na kanilang lilinisin ang listahan at muling ibe-verify ang mga impormasyon ng mga benepisyaryo bago sila makipag-ugnayan muli sa mga lokal na pamahalaan (LGU) para sa isasagawang special payout.

Nilinaw din niya na ang listahan ng mga benepisyaryo ay nagmula sa mga LGU, na siyang nagsagawa ng paunang assessment at pagpili ng mga kwalipikadong tatanggap ng ayuda.