Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang isang Most Wanted Person na nahaharap sa mabibigat na kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa menor de edad sa isinagawang operasyon sa Barangay Turod, quezon, Isabela.
Kinilala ang naarestong suspek na si alias “Miko,” 35 taong gulang, may asawa, at isang magsasaka na residente ng nasabing lugar. Siya ay nahaharap sa dalawang bilang ng Qualified Rape of a Minor, dalawang bilang ng Sexual Assault sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 5 (B) ng R.A. 7610, at isa pang kaso ng sexual assault sa ilalim ng parehong batas.
Bandang alas-3:30 ng hapon nang ipatupad ng pinagsanib na operatiba mula sa Quezon Police Station (Lead Unit), katuwang ang PIU-IPPO, 3rd MP-Lepanto FOB-201st MC-RMFB2, Isabela-PIT, at RMU-2, ang Mandamiento De Aresto laban sa akusado.
Ang nasabing warrant ay inilabas noong Abril 6, 2026 ng Presiding Judge ng RTC Branch 23, Roxas, Isabela. Itinakda ang piyansang nagkakahalaga ng Php200,000.00 para sa kasong sexual assault sa ilalim ng R.A. 7610, habang ang mga kasong Qualified Rape of a Minor at Sexual Assault sa ilalim ng RPC ay hindi maaaring piyansahan.
Agad namang ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang naaayon sa Miranda Doctrine, at kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Quezon Police Station para sa kaukulang disposisyon at turnover sa hukuman.











