Kinumpiska ng City Veterinary Office ng Cauayan City ang siyam na kahon ng frozen meat products na tumitimbang ng 180.83 kilo matapos makitang hindi na maganda ang frozen condition ng mga ito sa isinagawang inspeksyon sa Barangay Minante Uno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, Veterinary Officer ng Cauayan City, sinabi niyang bahagi ito ng regular nilang inspeksyon at pagtugon sa mga ulat tungkol sa frozen meat products na ibinebenta.
Ayon kay Dalauidao, kailangang manatiling maayos at frozen ang mga naturang produkto upang mapanatili ang kalidad at kaligtasan ng mga ito.
Kapag natutunaw na ang produkto o nagbabago ang kondisyon nito, lalo na kung nagkakaroon ng hindi kanais-nais na amoy, kinukumpiska ito ng tanggapan upang hindi na maibenta o maipamahagi sa publiko.
Patuloy naman ang regular na monitoring at inspeksyon ng City Veterinary Office sa mga nagbebenta ng frozen meat products para matiyak ang pagsunod sa food safety standards.
Pinayuhan din ang publiko na suriin ang kondisyon ng mga frozen meat products bago bilhin at iwasan ang mga produktong kapansin-pansing natunaw o may hindi kanais-nais na amoy.











