CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos masagasaan ng truck kung saan siya tumalon para maiwasan na makagat ng mga pulot-pukyutan na nadaanan nila sa Dicamay, Jones, Isabela
Ang nasawi ay si Rolan Cacayan, 33 anyos, residente ng Minuri, Jones, Isabela habang ang tsuper ng truck na si Marvin Bruno, 23 anyos na residente ng Dibuluan, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Samuel Lopez, hepe ng Jones Police Station, sakay ng truck ang biktima kasama ang iba pa habang patungo sa Dicamay 2, Jones, Isabela nang biglang tumalon si Cacayan dahil sa takot umano na makagat ng pulut-pukyutan.
Lumabas din sa kanilang paunang imbestigasyon na pataas ang daan at pumailalim ang biktima sa truck matapos na siya ay tumalon.
Naitakbo pa sa ospital si Cacayan ngunit idineklarang dead on arrival ng sumuring doktor.
Agad namang sumuko sa Jones Police Station ang tsuper ng truck na si Bruno.