Isa ang nasawi at 350 ang nasugatan sa Taiwan dahil sa epekto ng Bagyong Champi, na nagdulot ng malawakang pinsala at pagkawala ng kuryente sa daan-daang libong kabahayan.
Bagama’t hindi direktang tumama sa isla ang bagyo, naranasan ang malalakas na hangin at pag-ulan mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga.
Ayon sa Central Emergency Operations Center ng Taiwan, isang lalaki ang nasawi matapos tangayin ng malalakas na alon sa Pingtung County, sa katimugang bahagi ng isla.
Samantala, umabot sa 280,000 kabahayan ang nawalan ng suplay ng kuryente. Pagsapit ng Sabado ng umaga, naibalik na ang suplay sa 80% ng mga apektadong kabahayan.
Nagbagsakan din ang mga puno at karatula, habang napinsala ang ilang maliliit na istruktura. Kabilang dito ang kisame ng isang dormitoryo sa isang kolehiyo sa Taipei.
Ayon sa mga awtoridad, humihina na ang bagyo nitong Sabado ng umaga. Inaasahan ding aalisin pagsapit ng gabi ang mga babala ng bagyo sa mga lugar sa kalupaan.











