--Ads--

Mananatiling matatag ang presyo ng 204 pangunahing bilihin at prime commodities hanggang Disyembre 31, 2026, matapos magkasundo ang Department of Trade and Industry (DTI), mga manufacturer at retailer.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, nagkasundo ang pamahalaan at pribadong sektor na hindi muna magbabago ang presyo ng mga produktong saklaw ng ahensiya.

Kabilang sa mga bilihing may suggested retail price (SRP) ang sardinas, gatas, kape, tinapay, instant noodles, asin, bottled water, detergent, laundry soap at kandila.

Kasama rin sa listahan ang luncheon meat, meat loaf, corned beef, beef loaf, mga pampalasa, sabon panligo at baterya.

--Ads--

Samantala, pinabulaanan ni Roque ang mga ulat tungkol sa panic buying ng bottled water dahil sa pangamba sa El Niño.

Sinabi ng kalihim na kamakailan ay bumisita siya sa isang planta na may kapasidad na gumawa ng 65,000 bote kada oras. Aniya, mayroon ding 200 planta ang naturang kumpanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inihayag din ng DTI na maglalabas ito ng abiso hinggil sa presyo ng mga produktong pang-Noche Buena bago ang kapaskuhan, kasabay ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer at retailer.